Martes, Mayo 1, 2012

IV. Family

Desmond Tutu once said, “You don’t choose your family. They are God’s gift to you, as you are to them.”

Ngayon ay nais kong ipakilala ang  tatlong taong bumubuo sa aming tahanan, ang tahanan na kahit walang haligi ay matatag na nakakatayo.

Madali nila akong napapatawa at iyon ang nakakatuwa sa amin.

Si Mama ay iyong tipo ng inang nanay na, tatay pa, hindi nagagalit ngunit nagtatampo. Kahit kailan ay hindi siya nagkulang sa amin. Marami akong nais sabihin sa kanya, marami akong nais sabihin ukol sa kanya dahil hanggang ngayon ay may tanong ako sa sarili ko na di ko masagot:

“Kailan ko kaya muling masasabi kay Mama na mahal ko siya?”

Ilang taon na nga ba ang nakalipas? Matagal-tagal na rin… Eh ikaw, kailan mo huling sinabi sa nanay mo na mahal mo siya?

Tatlo kaming magkakapatid. Ako ang bunso, unico hijo din.

Si Katkat ang panganay na kahit kailan ay di mo maririnig sa akin na tinawag ko siyang ate.

Minsan, kahit di niya sabihin ay alam kong naiinggit siya sa akin. Mas matalino daw kasi ako. Mas marami daw kasi akong nauwing medalya kaysa sa kanya.

Subalit minsan kaya ay naisip niyang ako ang dapat mainggit sa kanya?

Sa paningin ko kasi ay mas matimbang siya kay Mama. Mas mahal siya nito. Marahil pareho kasi silang babae. Panganay rin kasi si Kat. Hindi niya ito pinapagalitan kahit gabi na umuwi. Hindi niya ito pinapagalitan kahit gabi na ay kumakanta pa rin kasabay ng mga kantang nasa laptop. Hindi niya ito pinapagalitan kahit gabi na ay bukas pa rin ang laptop.

Oo, masamang mainggit pero paaano naman ako na lagi nang nag-uuwi ng mga ganoong karangalan? Alam kong di ito sapat. Oo, tamad ako sa bahay, lagi akong wala. Pero iba ako sa iskul. Hindi sa pagyayabang pero matalino, masipag at responsable naman ako. Sa tingin ko kasi ay puro na lang mali at masama ang nakita ni Mama sa akin. Puro sermon na lamang ang narinig ko.

Minsan nga ay sinubukan kong magpakabait ng isang araw. Ginawa ko ang lahat ng mga gawaing bahay. Pero wala man lang akong narinig kay Mama na masipag ako. Pigil ang luha ko at noong gabing iyon, habang naliligo ako ay palihim akong umiiyak.

Pero nang mapanood ko ang Kimi Dora, obra ni Eugene Domingo, ay nalaman ko ang sagot kung bakit ganoon, kung bakit ganoon na lamang ang turing ni Mama sa akin at kay Katkat. Kahit paano ay napanatag ako. 
Sa pelikulang iyon ay nagtampo si Kimi kung bakit 75% ng pamamahala sa company ay ipinamana ng kanilang ama sa kapatid niyang si Dora, si Dora na di man lang naghirap sa pagtataguyod ng kanilang company samantalang siya itong puspusan ang hirap sa pagpapaunlad nito sa loob ng ilang mga taon.

At ito ang sagot ng ama:

“Dahil alam kong kaya mong paunlarin ang 25% na napunta sa iyo. Ang 75% na iyon kay Dora, oo, mas malaki iyon kaysa sa iyo pero hanggang doon na lang iyon, wala siyang lubos na kakayahan upang paunlarin iyon. Pero ikaw, may tiwala ako sa iyo na kaya mong paunlarin iyon at gawin pang mas malaki iyan sa 75%.”

Oo, minsan hindi ka mabibigyan ng pagmamahal ng iyong mga magulang dahil mas ibinibigay nila ito sa isa mong kapatid. Pero huwag mong isipin na wala siyang ibinigay sa iyo. Akala mo lang wala pero meron. Meron at pantay lang ang hatian ninyong magkapatid.

Binigyan ka niya, hindi ng pagmamahal kundi ng tiwala, tiwala na mas kaya mong tumindig sa sarili mong mga paa, tiwala na kaya mong paunlarin ang maliliit na bagay na ipinagkaloob sa iyo dahil meron kang mga malalaking kakayahan at higit sa lahat, tiwala sa pag-unawang mas kailangan ng isa mong kapatid ang pagmamahal ng iyong magulang.

Pero nakakatawa ding isipin kung paanong minsan ay nagkapapalit kami ng kalagayan ni Katkat. Patunay nito ay kung paanong nalilito minsan si Mama sa aming mga pangalan.

Pero sino man sa amin ang dapat mainggit o dapat na kainggitan, lagi kong naaalala ang mga salitang, “Ang pag-big, hindi yan dinidivide, minumultiply yan!”

Malilimutan ko ba si Karen? Special child siya kaya naman special din ang pagmamahal na ibinibigay namin sa kanya. Sa bawat araw ay pilit niyang tinatanggal ang kanyang mga mata na tila ba ayaw na niyang makita ang mundo. Minsan nga ay naisip ko. Sawa na siguro siyang makita ang aming kisame. Nakahiga lang kasi si Karen. Hindi siya nakakatayo at hirap pang umupo. Sa araw-araw kaya niyang pagtingin sa kung ano ang nasa itaas ay nakita niya na ang Diyos? Di ko alam. Alam ko lang ay mahal ko siya. 

Oo, ako ang nagpapaligo sa kanya, ako ang nagpapalit ng damit at diaper niya, hindi ko iyon ikinakahiya. Ipinagmamalaki ko. Makita na ang dapt makita pero kung alam kong tama ay ginagawa ko. Kasama namin siyang lumalabas upang mamasyal minsan o kaya ay magpagupit ng buhok. Naririnig nila na maraming pangalan si Karen. Maraming mga mata, maraming mga bulong pero bingi kami sa mga sinasabi nila.

“Hindi lahat ng ikinakahiya ay masama. Pero lahat ng masama ay ikinakahiya.”

Bunso man ako ay nag-iisip at kumikilos ako bilang panganay.

Pero talagang aaminin ko, hindi ako close sa pamilya ko. Bihira kaming magkaroon ng family bonding at hindi nga kami nagkakaroon ng kainang-pamilya. Pero isa lang ang alam ko. Mahal ko sila.

Bahagi na rin ng aming pamilya ang mga alaga naming pusa na halos lahat ay ampon, bigla na lamang pumasok sa aming bahay at bigla na lamang dumating sa aming buhay. Ngayon ay ilan na lamang ang natira, ang iba ay bigla na lamang nawala, ang iba ay namatay na, ang iba ay iniligaw na, ang iba ay nakabalik lamang nang sila ay iligaw. Ipapakilala ko na rin sila. Trip ko lang.

BOCHOK

Siya ay ang lolo ng lahat. Nang dumating kami sa Laguna ay matanda na talaga ito. Isa siyang pusang kalye kaya naman matagal rin bago siya naging malambing sa amin, bago siya naging malapit hindi lamang sa aming bahay kundi sa aming tahanan. Ito ay iyong pusang kailangan ng special treatment, talagang ikaw pa ang magbubukas ng pinto kapag ito ay papasok at lalabas sa aming bahay. Ngayon ay sumisingaw na ang amoy ng mga sugat nito. Sumisingaw na ang pagiging matanda nito. Favorite hobby: Gumala at Eat and Run
CLONING

Ito ay ang pusa na talagang nagbago upang manatili sa aming tahanan. Natuto itong lumabas upang doon umihi at dumumi. Naging malambing ito. Naging mabuti itong lola sa lahat ng mga kuting na isinisilang bawat buwan. Halos katabi nga namin itong matulog. Paggising mo, maaaring katabi mo ito o puwede rin namang hindi mo na katabi... dahil siya na ang nakahiga sa sapin na ngayon ay hindi na iyo. Favorite hobby: Matulog, humiga, kumain, tumambay at magpainit sa kalan.

MAO

Siya ang natatanging pusang isinilang sa amin, lumaki sa amin at ngayon ay buhay pa rin sa kabila ng mga pagsubok na dumating. Pure cat food ang kinakain nito kaya naman naging spoiled ito sa lahat ng bagay. Never itong umihi o dumumi sa loob ng aming bahay. Ito ang tanging ina ng mga pusa sa amin. Tuwing magkakaroon ito ng mga anak ay talagang pride at panic ang nararamdaman nito sa pag-aalaga. Panic tuwing kinakagat kami nito kapag siya ay malapit nang manganak at kapag hinahawakan namin ang kanyang mga baby. Pride dahil para sa kanya, mas marami siyang anak ay mas maganda siya kaya naman kahit di niya anak ay talagang feeling niya kanya. Favorite hobby: Mabuntis, magpabuntis, mag-alaga ng anak.

MAT MAT                                        

Ito ay ang dalagang pusa na talagang Maria Clara kung kumilos. Bawat gabi ay maraming nagtutungo sa aming bahay upang makuha ang kanyang matamis na "oo." Malambing ito kapag gutom, masungit kapag busog. Mukha itong siopao kapag busog at buntis, lalo kapag natutulog. Nagkaroon siya ng mga anak pero hindi naman naging isang mabuting ina. Upang maranasan ang hirap ay napilitan kaming iligaw siya sa isang malayong lupain. Lumipas ang dalawang araw, siya ay nagbalik at doon ay  nagsisi, nangako na magkakaroon ng bagong buhay. Ang pusa na ngayon ay isa nang Magdalena ay tulala sa bintana na para bang may mga anak na hinihintay dumating. Favorite hobby: Palihim na kumain ng tinapay sa gabi kaya naman sa umaga, tiyak may butas na ang plastik nito at may kagat na rin ang kawawang tinapay.

WING-WING

Ito ay ang ama ng mga pusang kung saan na lang nagmula. Malambing ito. Iyong tipong halos ipako na ang mukha sa iyong balat para lang bigyan mo ng pagkain. Subalit kapag ito ay gutom, tiyak na grabe ang ingay nito. Matapos mo itong bigyan ng pagkain, agad itong mawawala. Babalik ito sa bahay, basang-basa tiyak na binuhusan na naman ng tubig ng aming kapit-bahay o kaya marumi at iba na ang kulay. Favorite hobby: Umihi sa na parang bang lahat ng kanyang daanan ay isang pader.

At ang mga pusang ito, ilan man ang buhay, ay ang itinuturing ng aming pamilya bilang mga tagamasid sa bahay…

At ito ang aking pamilya, minsan may mga di pagkakaunawaan at minsan din ay may mga problema. Pero anuman ang mangyari, ito pa rin magkasama.

“Call it a clan, call it a network, call it a tribe, call it a family, whatever you call it, whoever you are, you need one.”

- Jane Howard

Image Sources:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento