Martes, Mayo 1, 2012

II. Friends

At ang mga taong ito ang dahilan kung bakit napapagod at napupudpod ang mga daliri ko sa pagtetext, kung bakit ang keypad ng cellphone ko ay halos lumubog na!

Ang cellphone ang aking best friend.

Kasama ko itong maligo. Bago pa man ako matulog ay ito ang hawak ko. Paggising ko ay ito ang una kong hinahanap. Maging ikaw na nagbabasa nito ay marahil katulad ko.


Pero pag lr ako o sa madaling sabi ay late makareceive ng text, nagkakaroon kami ng “misunderstanding.” Ito ay yung buong araw kang naghihintay ng text at akala mo trip lang talaga ng mga nasa contacts mo na wag magtext o magreply! Yung kating-kati ka nang pindutin ang keypad ng cellphone mo dahil naghihintay ka ng text o reply! Yung may pumasok nang langaw sa iyong bibig at tumutulo na ang laway mo sa pagtitig sa cellphone mo in hope na biglang may magtetext! Oo nga at may magtetext ngunit sa kasamaang palad ay group message naman pala ang nareceive mo.

At teka, pano ba natin malalamang lr tayo kung baka naman ang katext natin ang lr kaya matagal magreply, baka naman busy lang ang ating katext o talagang mabagal siya magtext. Ewan!

Tapos kapag may mga holidays, para bang trip ng network na di ka makapagload upang di mo magawang batiin ang mga friends mo. Kaya naman dito na nagsisimula yung feeling na nais mo nang isumpa ang keypad mo kasi di mo siya mapindot kahit labas na ang skeleton ng cellphone mo! Yung feeling na nais mo nang ipakain sa katabi mo yung sim card mo dahil sa sobrang inis! Yung feeling na nais mo nang idelete ang lahat ng nasa contacts mo at kalimutang nakilala mo sila sa buhay mo! Yung feeling na sana di na lang nag-evolve ang tao upang di na naimbento ang cellphone! Yung feeling na nais mo nang basagin ang bintana ng kapitbahay mo gamit ang cellphone na ngayon ay mortal mo nang kaaway!

Ayoko ng pag-usapan! Ang natutunan ko lang naman sa pagtetext ay ang pinagkaiba ng good evening at good night. Good evening kung bumabati ka ng magandang gabi at good night kung matutulog ka na. Tapos ang good morning pala ay ginagamit kapag kakagising mo lang.

Subalit sa panahon ngayon, walang taong kayang mabuhay mag-isa. Walang taong kayang mabuhay na cellphone lamang ang kaibigan.

Kung ang mga honor students ay may tinatawag na Top 10, marahil pipili na lamang ako ng sampung tao, sampung pangalan, sampung mukha na unang pumasok sa isip ko. Marami akong nakilala at marami akong naging kaibigan at iyon nga ang problema, di ko kayang isulat lahat ng kanilang mga pangalan. Kaya sa mga magtatanong kung bakit wala sila, isipin niyo na lang kayo iyong pang number 11 na pumasok sa isip ko.

At ang mga babanggitin ko ay ILAN nga sa mga kaibigang talaga namang nag-iwan sa akin ng mga alaalang kaytamis balikan dahil sa mga naibigay at naitulong nila sa akin.

Walong narra, dalawang yakal. Take note: Hindi sila mga puno, mga tao sila. Ang pangalan kasi ng mga section sa aming mga fourth year students ay batay sa mga endemic trees ng ating bansa.

Yes, we are trees, planted with our childhood dreams, now growing up in the passing of time, now drifting apart…

MGA NARRA:

ELSA

Si Elsa ang best friend ko. Si Elsa ang best friend naming lahat.

Lagi akong nakatambay sa bahay nila, pilit kinakalimutan ang mga problemang sa totoo ay madali naman palang lutasin, mahirap lang harapin. Lagi niya sa aking ipinapaalala na ang problema ay wala sa dami, wala sa bigat, nasa pagdadala. Ang mga problema ay mga pagsubok. Ang mga taong may mga problema ay pinagkakatiwalaan ni Lord na kaya nila itong dalhin, harapin at lutasin.

Itinuro mo sa akin kung paanong kailangan din palang sumuko ako kahit minsan.

Lagi naming napapatunayan sa sarili namin na ang isang manunulat ay nakakasulat ng isang magandang article kspag siya ay malungkot, kapag heartbroken siya, kapag marami siyang problema.

Marunong siyang magsulat, magaling siya magsulat. Ayaw lang niya maniwala.

Hanggang ngayon ay nagtataka ako kung bakit nga ba Ate Elsa ang tawag namin sa kanya samantalang mas matanda pa kami sa kanya. Marahil ay dahil, “Ang pagtanda ay wala sa edad, ito ay nasa pag-iisip.”

At sana ay naisip man lang minsan ni Elsa na isa siyang mabuting tao, mabuting  anak, mabuting kaibigan na labis kong ipinagmamalaki. Elsa, maniwala ka lang sa sinasabi ko. Alam kong matatagpuan mo ang taong para sa iyo at alam kong magiging matagumpay ka sa pag-abot ng iyong mga pangarap.

Hindi ito mahaba gaya ng inaasahan mo. This is simple, yet special. Marami kasi akong nais sabihin sa iyo pero hindi dito, hindi sa text, hindi sa paraang ito…

JIMADEN

Ang library ay di lamang isang silid-aklatan para sa amin. Ito ay ang daigdig ng mga tahimik, ang daigdig ng mga walang naririnig, ang daigdig ng mga walang pakialam, ang daigdig ng mga sinasabing “baliw.”

Ang library na ang naging habitat namin. Ang pagbabasa na ang naging habit namin.

Nais niyang maging titser, isang guro. Nais niyang bumalik sa aming iskul hindi upang magturo ng English kundi upang turuan ang mga titser kung paano magturo, kung paano ang tama at malinis na pagtuturo.

Minsan pa nga ay nais niyang maging librarian. Ito ay dahil nakikita naming ang mga libro sa aming library ay tuluyan nang naiwan ng panahon. Nagiging pagkain na ito ng mga anay, hindi ng mga bookworm. Oo, kumuha kami ng mga libro ng literature sa library at talagang wala akong pagdadalawang-isip na ibalik pa ang mga ito sa kulungang iyon. Hindi namin sila ninakaw, iniligtas namin sila.

Mahilig din ito sa mga hayop, pusa man, aso man o maging palaka at bayawak. Ang pangalan ng kanilang mga alaga ay galing sa kawalan. Di mo maririnig saan mang sulok ng daigdig. Labis ang galit niya sa mga taong “hayop” lamang ang turing sa hayop. Maging ako nga ay binigyan niya ng pangalan, isang pangalang malayo sa tunay kong pangalan- CHOOPS!

Minsan nga ay naisip namin.

“Paano kung nakakapagsalita sila? Paano kung ang tao ay malagay sa kalagayan ng mga hayop na ito? Di tayo tanga. Ang utak natin ay may bigat na 1400 grams. Nag-evolve tayo.”

Minsan naman ay nais niyang maging pangulo ng ating bansa upang maipahayag sa mundo ang kanyang mga paniniwala at batas sa buhay. Pero naisip rin naman niya na di niya kaya ay baka maging panggulo lang siya.

Oo nga at nais niyang magkaroon ng pagbabago.

Pero higit sa lahat, nais daw niyang maging karaniwang tao na lamang, katulad na lamang ng lahat, gumigising, pumapasok, nag-aaral, umuuwi, natutulog, nangangarap na may magandang bukas na parating. Pero ang pangarap ay malayo sa panaginip.

Malawak ang imagination namin. Marami kaming tanong sa buhay. Minsan nga ay naisip namin kung paano magkakasya ang 60 katao sa isang kotse lamang. Na kunwari sa isang kotse ay nandoon na ang mga kailangan mo. O paano kaya kung ang tao ay naglalakbay sa oras. O kaya naman ay paano kung ang mga mag-aaral ng section namin ay mga tauhan sa isang kuwento.


Tuwing pumapasok ang mga bagay na ito sa aming isipan ay natatawa na lamang kami. Marahil ay sinumpong na naman siya ng  hika dahil sa pagtawa.

Marahil pag nagkita kami ay maiisip niya na nais na niyang maging isang writer. Pero ano man ang nais niya sa buhay, maging astronaut man siya, maging embalsamador, maging manager ng isang junk shop, lagi niyang baon ang mga kuwentong kahit kailan ay wala sa anumang library, wala sa anumang libro. Ito ay ang mga kuwento ng nakaraang alam kong kahit saan ka man maligaw, malimutan mo man, ay nasa iyo ito at di mawawala. Ito ay ang mga kuwento ng pagkabata at pagiging isip-bata.

VANEZZA

Noon ay may girlfriend ako. Kaya naman, tuwing magkikita kami nito ay lagi ako nitong tatanungin, “Kamusta KAYO?”

Subalit lagi kong ibinabalik sa kanya ang tanong niya, “Eh KAYO, kamusta?” Ang sagot niya ay ganito, “Masaya pero di naman kami. :(“

Subalit matatapos ang usapan kapag sasabihin kong, “Di mahalaga kung kayo o hindi. Ang mahalaga ay masaya kayo at mahal niyo ang isa’t isa kahit hindi kayo!” Ngingiti siya. Marahil ang sabi nito sa sarili niya ay, “Sa bagay.”

Subalit ito ang totoong tanong, “Pero mahal mo?”

Paiwas na ngingiti at doon ay alam na natin ang sagot.

LEONARD

Sa gitna ng katahimikan ay naroon din ang taong handang bumasag nito.

Minsan ay nakikipaghabulan siya sa mga kapwa “baliw” na para bang kanila ang daan, para bang kanila ang mga pader kung saan maaari silang tumagos.

Minsan ay hawak na niya ang chalk guguhit sa blackboard ng mga sketch ng aming mga kaklase at titser, na para bang model lamang ng iba’t ibang organs ng ating katawan o kaya ay parang abstract art. Matapos magdrawing ay gagawa na siya ng kuwento o kaya description ng mga ito. Nailagay pa nga ito sa isang notebook na kung tawagin nila ay Book of Secrets. Dito kasi nakalagay ang lahat ng mga nakakatawang biography ng aming mga kaklase na alam naman nating lahat na likhang-isip lamang. Minsan naman ay pagsasamahin niya ang iba’t ibang equations at formula na itinuro sa amin at gagawa ng kanya. Kakaibang vandalism ito.
Masasabi ko ring isa siya sa pinakamagaling na taong nakikila ko and yes, he is truly a patron of arts. Kung meron akong natutunan mula sa kanya, ito ay ang pagiging totoo sa sarili at pagiging totoo sa ibang tao, ang pag-amin sa mali, ang ipaglaban ang tama, ang tumawa kahit maraming problema at higit sa lahat ay ang gumising sa umaga at matulog sa gabi na taglay ang isang curve, ang pinakamadali at pinakamagandang curve na nagawa ng tao, ang ngiti.
KING

Siya ang pinakaresponsable at pinakamasipag na estudyanteng nakilala ko.

Labis ko itong maasahan bilang seatmate ko. Confident ako pag katabi ko ito.

Minsan pala ay hinangad niyang maging isang sundalo para ipagtanggol ang kanyang pamilya sa digmaan ng buhay. Pero hindi ito natupad dahil siya mismo ang natalo sa digmaan ng kanyang sarili, sa digmaan kung ano at sino nga ba siya.

Lagi ko siyang pinapagalitan at sinisigawan pero labis daw ang pasasalamat niya sa mga ginagawa kong ito. Lumakas daw ang loob niya, lalo daw siyang gumaling at sumipag. Sa kabila ng lahat ay lagi ko namang ipinapaalala sa kanya ang mga salitang ito:

“Kapag nalito ka kung ano o sino ka, think of this. You’re not an ugly duckling but a beautiful swan. You’re not a moth but a butterfly. And if you still don’t know who you are, if you still don’t have the wings, just wait inside your cocoon.  Just wait for your metamorphosis and remind yourself that  you don’t always need to change yourself. Metamorphosis is a not about changes but about growth and progress. Go and soar high. I mean, go and soar higher.”

ELAINE

Kamusta na, Elaine? Matalino na ba ang kapatid mo? Sabi mo kasi pag matalino ang unang gumupit ng buhok ng isang bata ay magiging matalino rin ito. Eh paano yan, ako ang unang gumupit ng buhok ng kapatid mo?

Simple lang ang nais kong sabihin sa iyo,

“Friends are not unkind, just hard to find.”

Huwag mong isiping nakalimutan o iniwan ka ng iyong mga kaibigan. A BIG PLEASE! Just smile. Kaya naman nating maging masaya kahit mag-isa tayo. Always find the diffence between the word LONELY and ALONE.

DONALD

Siya ang  taong kahit kailan ay di nawala sa mga bagong balita o sa mga trending.

Ikaw marahil ang maituturing kong best partner ko pagdating sa paggawa ng mga project. And I can also say that God had given you such a gifted pair of hands. Sana ay naalala mo kung paanong inabot ka ng gabi sa amin sa paggawa ng powerpoint para sa ating section, sa paggawa ng ating magazine para sa group natin, sa paggawa ng ating powerpoint sa Araling Panlipunan.

Minsan ay tinawag ka ng ating Math teacher at sinabi niyang find x. Sa blackboard ay nakadrawing ang isang triangle tapos sa nitong side ay may nakasulat na x. Natawa kami ng binilugan mo ung x at sinulat yung mga salitang, “Here it is.” Naisip ko na sana sinabi na lang ni Sir na find the meaning of x kaya lang baka ang isagot mo ay, “X is the 24th letter in the English alphabet, a letter after w and a letter before y.”

Isa kang reporter. Isa kang actor. Isa kang dancer. Isa kang singer. Isa kang photographer.  Isa kang camera man. Isa kang negosyante. Isa kang artist. Isa kang model. 

Marami ka mang mukha sa ating classroom ay ikaw pa rin ang kilala kong kaibigan.

NARDITO

“Matagal na kitang kilala pero ngayon lang kita nakilala.”

Ito na lamang ang nasabi ko sa isang taong nakilala ko dahil sa isang buto ng langka.

Unang araw ng iskwela, ang mga kababaihan ay nakatingin sa isang Nardito. Magaling siyang kumanta, magaling siyang sumayaw pero naku, “disappointed” ang mga girls.

Naging member ko siya sa Science. Masasabi kong ok naman siyang member, masunurin, masipag, cheerleader namin.

Minsan ay nagkaroon kami ng isang group activity sa Science, ang group namin ay magdadala ng buto ng langka. Iba naman ang dadalhin ng ibang groups. Nagtanong naman ako sa members ko kung sino sa kanila ang maaaring magdala pero di naman sila nakikinig sa akin, tila ba mga bingi, walang pakialam kasi laging umaasa sa leader. Galit na ako, ang iba ay umuwi kaagad, ang iba ay tumakas, ang iba ay nasa computer shop.

Umuwi ako- problemado. Malakas ang buhos ng ulan pero nagulat ako ng may tumawag ng pangalan ko sa labas. Ito pala ay si Nardito!

“Bakit ka nandito?” tanong ko.

“Di ba maghahanap tayo ng buto ng langka?” sabi niya.

Sa mga panahong iyon ay di na ako galit, nagtatampo na lang ako. Dahil siguro kahit paano ay may nag-effort na pumunta sa akin, may nakaalala, may concern!

Sa loob kasi ng ilang taon ko bilang group leader ay laging ganito ang scenario. Ako lagi ang pupunta sa bahay ng members. Ako ang madalas na may gastos. Ayokong binabayaran ako. Sapat nang may magpasalamat at sapat nang may makaalala, may concern.

Malakas ang ulan. Baha na. Para bang may bagyo pero tumakas ako sa bahay namin.  Marami na siyang naikuwento sa akin tungkol sa kanya at tungkol sa buhay niya pero wala pa rin kaming mahanap na buto ng langka. Pero matapos ang ilang oras ay sa wakas, nakahanap kami.

Umuwi ako. Siguradong galit si Mama dahil basing-basa ako at gabi na. Pero hindi. Nagulat ako. Marahil ay nakita niya ang determinasyon ko. Nang umalis si Nardz ay napangiti ako sa sinabi ni Mama:

“Maganda ang pakiramdam ko sa kasama mo.” 

At nalaman ko na lang na wala palang pasok bukas. Sabado kasi bukas.

Dumating ang Lunes, ipinagmalaki ko si Nardz sa ibang members ko. Humble pa rin ito.

“Matagal na kitang kilala pero ngayon lang kita nakilala… at nais pa kitang makilala!”

MGA YAKAL:

JONATHAN

Kamusta na? Magparamdam ka naman.

Kung ano man ang problema mo, just pray for it kasi alam nating si Lord ang ating best friend.

Dahil sa iyo ay lalo akong naniwala na mas matindi ang pagkakaibigan ng mga lalaki kaysa mga babae.

Itinuro mo sa akin kung paano lunukin ang lason na kung tawagin ay pride. 

Itinuro mo sa akin na ang isang dakilang kaibigan kahit malimutan man o iwan man ng iba ay naghihintay pa rin sa kanyang kaibigan. At kapag bumalik ang kanyang kaibigan, ang isang dakilang kaibigan ay di galit kundi nag-aalala, nagtatanong kung ok lang ba ang kanyang kaibigan, kung kamusta na ang kanyang kaibigan.

Ang isang dakilang kaibigan ay yung di nagsasabi na, “Nandito ka lang naman pag kailangan mo ako.” Kundi ang kanyang sinasabi ay, “Narito lang ako pag kailangan mo ako.” Ang dakilang kaibigan ay yung di nagsasabi na, “Dapat masaya ka dahil sa akin, dahil kasama mo ako.” Kundi ang kanyang sinasabi ay, “Masaya ako kasi masaya ka, kahit di ako ang dahilan ng kasiyahan mo, kahit di mo ako kasama.”

Be strong. Be a man. Be a gentleman. Go on and be in love.  Just smile. Thank you for being a character written by God in my life.

ALEX

Mas kilala siya ng lahat sa apelyido niyang Mangcao. Isa siya sa mga highly-recommended seatmates na maihahain ko sa mga mag-aaral. Na kapag katabi ko siya, feeling ko makakagraduate talaga ako. Para lang kaming Batman at Robin… noon. Sa kanya yung isa topic, akin naman yung isang topic. Para kasing computer ang utak niya at nakasave lahat ng topics doon. Siyempre, pagdating ng exam, parehong perfect!

Na tuwing may quiz, magkatabi kami. Na tuwing recess, tatanggi siya sa ibibigay kong pagkain pero pipilitin kong tanggapin niya or else, mumurahin ko siya at tatawa lang iyan. Na tuwing uwian na ay magkasama kaming maglalakad sa katanghaliang tapat dahil sa nag-iipon kami in hope naman na magiging mga Bill Gates o Oprah kami. Na minsan ay hihiram siya sa akin ng libro para magsulat sa notebook kahit alam kong di naman yan tsinetsekan ng mga titser, ipinapasubmit lang para ilagay sa sako at ibenta. Na tuwing October 10 ay babatiin namin ang isa’t isa ng happy birthday.

Lagi siyang absent noon sa klase pero bilang kaibigan ko ay lagi siyang present.

At ito ang lahat ng mga alaalang ngayon ay mga pangarap na nais kong ibalik.


Iba’t iba man ang iniwan nilang mga alaala sa buhay ako, isa lang naman ang tawag ko sa kanila- KAIBIGAN!

III. Teachers

Sa buong buhay ko ay sa wakas, nakatagpo din ako ng mga titser, di lamang titser, kundi maestro, professor! Sila iyong mga titser na talagang di ko makakalimutan.




Di lamang sila mga titser sa loob ng aming classroom kundi mga titser na maging sa labas ng classroom ay nag-iwan talaga sa akin ng mga aral ng buhay na hanggang ngayon ay aking pinaniniwalaan at sinusunod. Sila ay yung mga titser na nag-iwan ng mga alaala hindi lamang sa utak ko kundi maging sa puso ko, sa puso namin. Minsan nga ay naisip ko, may lesson plan kaya ang mga titser na ito?



MAM GATON

Siya ang aming English teacher noong third year pa kami.  Nakasalamin siya, strict, parang di mo makakasundo, parang di magbibigay ng bonus points, parang walang pakialam sa pag-inog ng daigdig at pagtakbo ng buhay. Si Mam Gaton na yata ang masasabi kong pinakabusy na titser, pinakamasipag na titser, pinakaresponsableng titser. Ang buhay para sa kanya ay isang karera, ang mundo naman para sa kanya ay isang oval field. Ang oras ang kanyang kayamanan kahit masasabi kong ito rin ang kanyang kalaban.

Mas kilala si Mam Gaton bilang isang school paper adviser kaya naman ganoon na lamang ang pagpapahalaga niya sa mga diyaryo na para bang mga anak na niya. Mahalaga sa kanya ang mga balita, sobrang halaga. Mahalagang may nangyayari at higit sa lahat ay mahalaga sa kanyang may alam ka.

Isa lang naman daw ang kulang sa buhay niya. Ito ay ang kanyang pangarap, ang kanyang ambisyon na manalo sa National School Press Conference.  Dalawa lang ang dahilan kung bakit ka aabsent sa mga training namin- ito ay dahil wala kang gawa o kaya naman ay dahil alam mong pangit ang gawa mo. At kapag sinabi niyang pangit ito, it is an encouragement for us to make the right thing next time, to do better next time. Di na kami nagtataka kung bakit sobrang strict niya sa amin. Ito ay dahil nais niya kaming umakyat sa stage, nais niya kaming manalo. Nais niya maramdaman namin ang pakiramdam na nanalo kami mula sa aming mga pagtitiis. Masarap iyon!

Ang klase namin kay Mam Gaton ay maaari nating itulad sa pagsakay sa roller coaster- laging may kaba pero masaya. Sa gitna ng klase ay di alintana ang oras dahil parang di gumagalaw ang mga kamay ng orasan.

Marami akong natutunan kay Mam Gaton gaya na lamang ng sumusunod:

1. Na nagpapaganda ng buhok ang paggamit ng suklay na nilublob sa chalk.
2. Na di bale nang mabasa ka ng ulan, huwag lang ang diyaryo.
3. Na Grow Old with You ang theme song ng mga journalist.
4. Na kung isa kang journalist, ang brand ng mani na dapat mong kainin ay Sunshine.
5. Na bago matapos ang isang oras ng klase, siguradong kulot na ang buhok ng aming kaklaseng si Rebecca.
6. Na huwag ka nang pumasok kung late ka sa mga training.
7. Na huwag ka nang magtangkang bumalik sa klase kung lagi ka namang absent.
8. Na kapag iniwan ka ng jeep na magdadala sa venue ng inyong contest, bahala ka nang sumunod.
9. Na di bale nang matalo huwag lang umiyak.
10. Na ang paglakad mo ay katumbas ng aking pagtakbo.
11. Na kapag umuulan, isave mo ang file mo or else kapag biglang dumating ang brown-out, tiyak lagot ka.
12. Na dapat magsuot ng wig ang mga babaeng sabog ang buhok dahil siguradong makakalbo sila sa pananabunot ni Mam Gaton.

Pero di ko pa rin makalimutan ang isang pagkakataon kung saan siya ay halos sumuko na sa paggawa ng diyaryo. Umuwi na ako at doon ay biglang nagtext ang aking mga daliri. Wala na akong magagawa, “message sent” na.

 “A journalist is not born to make history, but to write history. But still I believe that a journalist is not born to TRY but to NEVER GIVE UP for trying may give or cause you mistakes but never giving up is never been a mistake in a journalist’s life.”

Isinulat ko rin ito sa isang maliit na papel at inipit ko sa isang librong hiniram ko Mam Gaton. Naibalik ko na ito. At siguradong nabasa na niya ito. Ngayon ay naisip ko. Nakaipit pa rin kaya ito sa librong iyon? Nasa inbox pa kaya ito ni Mam Gaton? O kung wala na ito sa librong iyon, kung nadelete na niya ito sa inbox niya, naaalala pa kaya niya ito? Marahil ay hindi na. Pero at least may nagawa akong tama bilang editor-in-chief niya na hindi naman talaga magaling.

And yes, a journalist is not born, he is made!

SR. BUM

Siya marahil ang dahilan kung bakit masaya, buo at meaningful ang aking Sunday. Ang klase namin kay Sr. Bum ang ikalawang simbahan ng mga mag-aaral na kahit walang pamasahe ay nagpupunta pa rin sa iskul para sa isang klase na walang kailangan kundi isang notebook, isang ballpen at isang sperm ng utak na may pregnant ideas.

Ang titser dito ay baliw kaya naman lagi nitong sinasabi ang kanyang favorite line, “All you need is to be a little bit… crazy!”

Sa gitna ng “klase” ay biglang maririnig ang kanyang pag-awit ng mga kantang maaaring galing sa broadway o puwede rin namang isang awit ni Adele.

Laging bukas ang pinto sa dalawang dahilan, lahat ay maaaring pumasok sa klase at lahat ay maaaring lumabas. Wika nga, “Many are called but few are chosen.”

Sa klaseng ito ay natutunan naming mag-isip at magsulat ng mabilis. Common at tama na ang 15 minutes upang mag-isip at magsulat. Minsan nga ay sa loob ng 5 minutes ay magsusulat ka ng isang paragraph, sa loob ng isa o dalawang minuto ay isang sentence at sa loob ng 10 seconds ay isang salita na unang pumasok sa isip mo. Madali lang naman pero mahirap kasi nais nating mag-isip ng matagal para makabuo ng isang magandang article. We always want to have a perfect work, but not an honest work.

Natutunan ko rin dito na kapag may idea na pumasok sa isip mo, nasaan ka man ay tandaan mo ito, isave mo ito sa drafts ng cellphone mo, isulat mo ito sa palad mo. Kapag nakalimutan mo ito, bahala ka. Para kang nakahuli ng isang daang ibon sa isang minuto tapos pinakawalan mo. Kapag nangyayari ito sa akin ay feeling ko gumising ako sa isang araw na nawawala ang aking eyeglasses!

Sobrang lawak ng topics na maaari mong isulat. Minsan ay kung ano lang ang makita namin o kung ano lang ang maisip ni Sr. Bum. Minsan ay tungkol sa paglubog ng araw, minsan ay tungkol sa  hagdan, minsan ay tungkol sa isang payong, minsan ay tungkol sa isang triangle na nakadrawing sa blackboard, minsan ay tungkol sa isang quote o kanta, minsan ay tungkol sa wala at minsan pa nga ay gumawa kami ng isang kuwento kung saan kami ang mga tauhan. Imagination. Ito ang tunay na kalayaan.


Tinuruan niya kaming magkaroon ng appreciation sa mga bagay na akala ng lahat ay karaniwan lamang at maliit, sa mga usaping akala ng iba ay walang kuwentang pag-usapan, sa mga tanong na akala ng iba ay walang kuwentang itanong at sagutin. Halimbawa ay ang pananaw natin sa isang baso na may lamang kalahating tubig. Alin dito ang iniisip mo? Kalahati lang talaga ang inilagay na tubig o binawasan ito ng kalahati?

Minsan nga ay naitanong pa ni Sir sa amin kung bakit nililibing natin sa lupa ang ating mga patay samantalang sinasabi nating pupunta sila sa langit. Ang langit kaya ay nasa ilalim talaga ng lupa?

Minsan ay sinabi niya amin na ang isang magandang pelikula ay isang masterpiece na likha ng isang malikhaing idea ng writer, isang matalinong principle ng director at ng isang mahusay na interpretation ng mga actor. Ang isang magandang pelikula ay pinapagana ang utak at puso mo.

Itinuro niya sa amin na di kasalanan ang isilang kang mahirap. Ang tunay na kasalanan ay ang manatiling mahirap. Lagi niya rin sa aming ipinapaalala na laging magbigay, na laging magbayad, na laging gumawa ng tama kahit walang nakakakita, na dapat ang pangarap mo ay laging may kilos at deadline.

Kailan kaya namin matututunang maligo ng di nababasa ang mga kamay o kaya naman ay kung paano lumipad?

And yes, it is such a privilege to meet Sir Bum, a person who have always believed in our potential, who have touched our personal lives.

At higit sa lahat ay naniwala si Sir na lahat ay marunong magsulat, walang magaling dahil lahat ay may naiibang pananaw sa buhay.

I once told him, “Di po ako pumapasok sa klaseng ito dahil nais kong matuto magsulat. Marunong na po ako magsulat, marunong na po tayo. Kailangan lang po nating ipakita at patunayan sa lahat.”

MAM JAVIER

October 11, 2010- Lunes.

Nagpipigil lang ako noon ng luha.

May nagsabi lang noon sa akin. Napag-usapan daw ako ng buong klase noong nakaraang Biyernes. Maraming isyu tungkol sa akin. Period! Wala ako noon. Absent ako.

Di ko mapigilan ang nararamdaman ko kaya nagpunta na ako sa faculty ng mga third year teachers. Nandoon si Mam Javier.

“Buti pumunta ka, ipapatawag na nga sana kita,” wika niya.

Matapang ang sagot ko, “Kahit di niyo na po ako ipatawag, pupunta po talaga ako dito.”

Matapos nito, full blank. Just a sound of silence. At doon ay nawala ang tapang ko. Umiyak ako na parang bata.

Doon ay lalo kong napatunayan na di lang namin titser si Mam Javier sa Araling Panlipunan, isa siyang ina! 

Ang budget ng pera para sa Christmas party namin ay di lang sapat, sobra pa! Ito ay dahil isa siyang ina! Masarap ang mga luto niyang pagkain. Ito ay dahil isa siyang ina! Walang problema at walang alitang di naayos! Ito ay dahil isa siyang ina!

Isinilang siya bilang isang adviser, best adviser. She set the standards for being an adviser to us. Di siya nagalit sa amin, nagtampo siya… dahil mahal niya kami di lamang bilang mga mag-aaral kundi bilang mga anak niya.

Kung kaya ko nga lang po ay nais kong magsulat tungkol sa lahat ng aming naging titser. Kapag ako kasi ay nagsulat ay kung sino ang unang pumasok sa isip ko, iyon ang nilalagay ko. I am just too honest.

Marami pang titser na nag-iwan sa aking ng mga kakaibang gunita. Noong first year kami ay nariyan sina  Ms. Hermano, Mrs. Hatulan, Mrs. OpiƱa, Mrs. Lapidario, Mrs. Caunin, Mrs. Jastillana at Mrs. Gache na naging titser muli namin noong third year. Noong second year naman ay nakilala namin si Mrs. Barundia, Mrs. Bariring, Mrs. Calay, Mr. Delfinado, Mrs. Leonido, Mrs. Carteciano at Mrs. Pacoma. Tumuntong kami sa third year at doon namin naging titser sina Sr. Manicad, Ms. Cuntapay, Sr. Quibral at Sr. Guerrero. Sa huling taon namin bilang fouth year ay dumating sa buhay namin si Mrs. Pangan, Sr. Tonga, Sr. Sanchez, Mrs. Pantonia, Mrs. Untivero, Sr. Laggui at Sr. Amarante.
Nais ko na ring isama sa listahang ito si Mrs. Cabling, si Sr. Uy, si Mrs. Mananquil, si Sr. Dorado, si Mrs. Andres na noon ay Ms. Belisario, si Mrs. Delgado, si Mrs. Delfinado na noon ay Ms. Punongbayan, si Mrs. Delacion, si Ms. Santos, si Sr. Kim,  si Sr. Sevilla, si Mrs. Fulleros, si Sr. Fritz, si Mrs. Delfina, si Mrs. Sobisol, si Mrs. Batalla at Ms. Alcasabas na kahit di namin naging titser o panandalian lang namin naging titser ay nag-iwan sa akin ng mga di malilimutang pangyayari sa buhay ko.

They are the teachers who have brought out the best from us, appreciated our efforts. Mabuhay po kayong lahat!

And yes, good teachers are those who challenge, those who influence, and those who inspire.
At teka, bakit laging may apple sa table ng isang titser?

IV. Family

Desmond Tutu once said, “You don’t choose your family. They are God’s gift to you, as you are to them.”

Ngayon ay nais kong ipakilala ang  tatlong taong bumubuo sa aming tahanan, ang tahanan na kahit walang haligi ay matatag na nakakatayo.

Madali nila akong napapatawa at iyon ang nakakatuwa sa amin.

Si Mama ay iyong tipo ng inang nanay na, tatay pa, hindi nagagalit ngunit nagtatampo. Kahit kailan ay hindi siya nagkulang sa amin. Marami akong nais sabihin sa kanya, marami akong nais sabihin ukol sa kanya dahil hanggang ngayon ay may tanong ako sa sarili ko na di ko masagot:

“Kailan ko kaya muling masasabi kay Mama na mahal ko siya?”

Ilang taon na nga ba ang nakalipas? Matagal-tagal na rin… Eh ikaw, kailan mo huling sinabi sa nanay mo na mahal mo siya?

Tatlo kaming magkakapatid. Ako ang bunso, unico hijo din.

Si Katkat ang panganay na kahit kailan ay di mo maririnig sa akin na tinawag ko siyang ate.

Minsan, kahit di niya sabihin ay alam kong naiinggit siya sa akin. Mas matalino daw kasi ako. Mas marami daw kasi akong nauwing medalya kaysa sa kanya.

Subalit minsan kaya ay naisip niyang ako ang dapat mainggit sa kanya?

Sa paningin ko kasi ay mas matimbang siya kay Mama. Mas mahal siya nito. Marahil pareho kasi silang babae. Panganay rin kasi si Kat. Hindi niya ito pinapagalitan kahit gabi na umuwi. Hindi niya ito pinapagalitan kahit gabi na ay kumakanta pa rin kasabay ng mga kantang nasa laptop. Hindi niya ito pinapagalitan kahit gabi na ay bukas pa rin ang laptop.

Oo, masamang mainggit pero paaano naman ako na lagi nang nag-uuwi ng mga ganoong karangalan? Alam kong di ito sapat. Oo, tamad ako sa bahay, lagi akong wala. Pero iba ako sa iskul. Hindi sa pagyayabang pero matalino, masipag at responsable naman ako. Sa tingin ko kasi ay puro na lang mali at masama ang nakita ni Mama sa akin. Puro sermon na lamang ang narinig ko.

Minsan nga ay sinubukan kong magpakabait ng isang araw. Ginawa ko ang lahat ng mga gawaing bahay. Pero wala man lang akong narinig kay Mama na masipag ako. Pigil ang luha ko at noong gabing iyon, habang naliligo ako ay palihim akong umiiyak.

Pero nang mapanood ko ang Kimi Dora, obra ni Eugene Domingo, ay nalaman ko ang sagot kung bakit ganoon, kung bakit ganoon na lamang ang turing ni Mama sa akin at kay Katkat. Kahit paano ay napanatag ako. 
Sa pelikulang iyon ay nagtampo si Kimi kung bakit 75% ng pamamahala sa company ay ipinamana ng kanilang ama sa kapatid niyang si Dora, si Dora na di man lang naghirap sa pagtataguyod ng kanilang company samantalang siya itong puspusan ang hirap sa pagpapaunlad nito sa loob ng ilang mga taon.

At ito ang sagot ng ama:

“Dahil alam kong kaya mong paunlarin ang 25% na napunta sa iyo. Ang 75% na iyon kay Dora, oo, mas malaki iyon kaysa sa iyo pero hanggang doon na lang iyon, wala siyang lubos na kakayahan upang paunlarin iyon. Pero ikaw, may tiwala ako sa iyo na kaya mong paunlarin iyon at gawin pang mas malaki iyan sa 75%.”

Oo, minsan hindi ka mabibigyan ng pagmamahal ng iyong mga magulang dahil mas ibinibigay nila ito sa isa mong kapatid. Pero huwag mong isipin na wala siyang ibinigay sa iyo. Akala mo lang wala pero meron. Meron at pantay lang ang hatian ninyong magkapatid.

Binigyan ka niya, hindi ng pagmamahal kundi ng tiwala, tiwala na mas kaya mong tumindig sa sarili mong mga paa, tiwala na kaya mong paunlarin ang maliliit na bagay na ipinagkaloob sa iyo dahil meron kang mga malalaking kakayahan at higit sa lahat, tiwala sa pag-unawang mas kailangan ng isa mong kapatid ang pagmamahal ng iyong magulang.

Pero nakakatawa ding isipin kung paanong minsan ay nagkapapalit kami ng kalagayan ni Katkat. Patunay nito ay kung paanong nalilito minsan si Mama sa aming mga pangalan.

Pero sino man sa amin ang dapat mainggit o dapat na kainggitan, lagi kong naaalala ang mga salitang, “Ang pag-big, hindi yan dinidivide, minumultiply yan!”

Malilimutan ko ba si Karen? Special child siya kaya naman special din ang pagmamahal na ibinibigay namin sa kanya. Sa bawat araw ay pilit niyang tinatanggal ang kanyang mga mata na tila ba ayaw na niyang makita ang mundo. Minsan nga ay naisip ko. Sawa na siguro siyang makita ang aming kisame. Nakahiga lang kasi si Karen. Hindi siya nakakatayo at hirap pang umupo. Sa araw-araw kaya niyang pagtingin sa kung ano ang nasa itaas ay nakita niya na ang Diyos? Di ko alam. Alam ko lang ay mahal ko siya. 

Oo, ako ang nagpapaligo sa kanya, ako ang nagpapalit ng damit at diaper niya, hindi ko iyon ikinakahiya. Ipinagmamalaki ko. Makita na ang dapt makita pero kung alam kong tama ay ginagawa ko. Kasama namin siyang lumalabas upang mamasyal minsan o kaya ay magpagupit ng buhok. Naririnig nila na maraming pangalan si Karen. Maraming mga mata, maraming mga bulong pero bingi kami sa mga sinasabi nila.

“Hindi lahat ng ikinakahiya ay masama. Pero lahat ng masama ay ikinakahiya.”

Bunso man ako ay nag-iisip at kumikilos ako bilang panganay.

Pero talagang aaminin ko, hindi ako close sa pamilya ko. Bihira kaming magkaroon ng family bonding at hindi nga kami nagkakaroon ng kainang-pamilya. Pero isa lang ang alam ko. Mahal ko sila.

Bahagi na rin ng aming pamilya ang mga alaga naming pusa na halos lahat ay ampon, bigla na lamang pumasok sa aming bahay at bigla na lamang dumating sa aming buhay. Ngayon ay ilan na lamang ang natira, ang iba ay bigla na lamang nawala, ang iba ay namatay na, ang iba ay iniligaw na, ang iba ay nakabalik lamang nang sila ay iligaw. Ipapakilala ko na rin sila. Trip ko lang.

BOCHOK

Siya ay ang lolo ng lahat. Nang dumating kami sa Laguna ay matanda na talaga ito. Isa siyang pusang kalye kaya naman matagal rin bago siya naging malambing sa amin, bago siya naging malapit hindi lamang sa aming bahay kundi sa aming tahanan. Ito ay iyong pusang kailangan ng special treatment, talagang ikaw pa ang magbubukas ng pinto kapag ito ay papasok at lalabas sa aming bahay. Ngayon ay sumisingaw na ang amoy ng mga sugat nito. Sumisingaw na ang pagiging matanda nito. Favorite hobby: Gumala at Eat and Run
CLONING

Ito ay ang pusa na talagang nagbago upang manatili sa aming tahanan. Natuto itong lumabas upang doon umihi at dumumi. Naging malambing ito. Naging mabuti itong lola sa lahat ng mga kuting na isinisilang bawat buwan. Halos katabi nga namin itong matulog. Paggising mo, maaaring katabi mo ito o puwede rin namang hindi mo na katabi... dahil siya na ang nakahiga sa sapin na ngayon ay hindi na iyo. Favorite hobby: Matulog, humiga, kumain, tumambay at magpainit sa kalan.

MAO

Siya ang natatanging pusang isinilang sa amin, lumaki sa amin at ngayon ay buhay pa rin sa kabila ng mga pagsubok na dumating. Pure cat food ang kinakain nito kaya naman naging spoiled ito sa lahat ng bagay. Never itong umihi o dumumi sa loob ng aming bahay. Ito ang tanging ina ng mga pusa sa amin. Tuwing magkakaroon ito ng mga anak ay talagang pride at panic ang nararamdaman nito sa pag-aalaga. Panic tuwing kinakagat kami nito kapag siya ay malapit nang manganak at kapag hinahawakan namin ang kanyang mga baby. Pride dahil para sa kanya, mas marami siyang anak ay mas maganda siya kaya naman kahit di niya anak ay talagang feeling niya kanya. Favorite hobby: Mabuntis, magpabuntis, mag-alaga ng anak.

MAT MAT                                        

Ito ay ang dalagang pusa na talagang Maria Clara kung kumilos. Bawat gabi ay maraming nagtutungo sa aming bahay upang makuha ang kanyang matamis na "oo." Malambing ito kapag gutom, masungit kapag busog. Mukha itong siopao kapag busog at buntis, lalo kapag natutulog. Nagkaroon siya ng mga anak pero hindi naman naging isang mabuting ina. Upang maranasan ang hirap ay napilitan kaming iligaw siya sa isang malayong lupain. Lumipas ang dalawang araw, siya ay nagbalik at doon ay  nagsisi, nangako na magkakaroon ng bagong buhay. Ang pusa na ngayon ay isa nang Magdalena ay tulala sa bintana na para bang may mga anak na hinihintay dumating. Favorite hobby: Palihim na kumain ng tinapay sa gabi kaya naman sa umaga, tiyak may butas na ang plastik nito at may kagat na rin ang kawawang tinapay.

WING-WING

Ito ay ang ama ng mga pusang kung saan na lang nagmula. Malambing ito. Iyong tipong halos ipako na ang mukha sa iyong balat para lang bigyan mo ng pagkain. Subalit kapag ito ay gutom, tiyak na grabe ang ingay nito. Matapos mo itong bigyan ng pagkain, agad itong mawawala. Babalik ito sa bahay, basang-basa tiyak na binuhusan na naman ng tubig ng aming kapit-bahay o kaya marumi at iba na ang kulay. Favorite hobby: Umihi sa na parang bang lahat ng kanyang daanan ay isang pader.

At ang mga pusang ito, ilan man ang buhay, ay ang itinuturing ng aming pamilya bilang mga tagamasid sa bahay…

At ito ang aking pamilya, minsan may mga di pagkakaunawaan at minsan din ay may mga problema. Pero anuman ang mangyari, ito pa rin magkasama.

“Call it a clan, call it a network, call it a tribe, call it a family, whatever you call it, whoever you are, you need one.”

- Jane Howard

Image Sources: